PAG-CULL NG MGA INAHIN; Gabay sa tamang desisyon
Share
Sa pagdami ng mga alaga mong kambing, ay pagdami din ng mga inahin. May mga tumatanda at mayroon ka ding mapag-iisipan na i-cull. Pero ano nga ba ang mga panuntunin para naman tama ang magiging desisyon mo. Ito ang tatalakayin namin sa vlog na ito.
ANG PAGTANDA NG INAHIN
Ang productivity ng mga inahin ay inaabot ng maraming taon. Kung ang inahin ninyo ay mga limang taon pa lang, huwag pag-iisipan na matanda na ito. Hangga't maganda ang naiwawalay ng inahin ninyo ay supisyenteng prueba o katunayan na hindi pa dapat i cull. kapag ang mga bisero ng balak mong i -cull na inahin ay malalaki, at malulusog, huwag na huwag mong i-cull.
"IISA PALAGI ANG ANAK"
Huwag din gawing basehan na dahil sa iisa lagi ang anak ay i-cull mo na ang inahin. Base sa naging experience namin, ang isang inahin na nanganganak ng isa ay hindi laging magiging isa ang anak. Kapag tama ang pakain, kondisyon ng katawan ay nanganganak din naman ng dalawa at maging tatlo.
Katulad ng nasabi namin kanina, ang basehan pa rin ay yung mga bisero, kung iisa lang ang anak pero napakaganda naman hanggang sa maiwalay ay sapat na para manatili ang isang inahin sa herd.
"WALANG GATAS ANG INAHIN"
Ang unang titignan kapag nakita mong walang gatas ang inahin ay--hindi ang inahin. Bagkus ay tignan mo ang naging pamamararaan ng pag-aalaga mo. Suriin ang pagpapakain. Heto ang payo namin kasaydline, at base ulit sa experience namin; Para madaming gatas ang inahin, dapat 1 month bago manganak ang inyong inahin ay sagana na ito sa pagkain. Ang ibig sabihin, sagana sa damo, sa legume katulad ng katuray atbp.
Ang ibig sabihin sa sagana ay dalawa hanggang tatlong beses na kumakain ang mga inahin mong malapit ng manganak. Makakatulong na nakalaya sila sa panahong nasabi o kaya naman ay dinadalhan ng pagkain ng dalawa o tatlong beses.
Sa oras na manganak ang inyong inahin, ganoon pa din dapat ang pakain; dalawa hanggang tatlong beses na pagkain. Palagi dapat busog ang mga inahin, at kaakibat noon ay kumakain nga dapat ng katuray.
"MAHINA ANG INAHIN AT PAYAT"
Kapag mahina ang inahin, tanungin ang sarili kung supisyente ba ang bigay na mga vitamins and minerals. Hindi lahat ng bitamina at mineral ay nakukuha sa damo lalo na kung ang damo sa paligid ay kulang na kulang at tuyo na.
Mahirap mag alaga ng mga kambing kung hindi ka magdedeworm at magbibigay ng mga vitamins at minerals. Dapat kumpleto; ADE, B complex, Iron at calcium.
Namamayat ang mga kambing kung madami itong mga bulate o parasitiko. Periodic dapat ang deworming; 30, 45, o 60 araw- depende talaga sa kondisyon ng inyong mga inahin.
"TOMBOY AT DI NA-BUBUNTIS"
Base sa naging experience namin, wala pa kaming nakitang inahin o dumalaga na hindi nagbuntis. Mayroon na kaming inabot ng mahigit sa isang taon bago nagbuntis pero sa palagay namin nagkulang kami sa pakain.
Nais naming ipahiwatig na tignan muna ang pakain bago maghusga. Gawing sagana muna ang pagkain, ibigay muna lahat ng vitamins and minerals bago magdesisyon na tomboy nga ang inyong inahin--kung paniwala nyong may tomboy nga na kambing.
Para sa amin, hanggat nagbubuntis ang inahin, okey na okey pa rin ito.
NAPAKAHIRAP MAIBAWI; SURIIN ANG NGIPIN
Sa pagkakataong hindi ninyo maibawi ang inyong inahin sa pamamayat dahil sa pagpapadede at pag-aaruga ng mga bisero, sa pagkakatong kahit naibigay nyo ang magandang pakain at lahat ng bitamina at mineral, at maliban doon ay maiging deworming program, suriin ang mga ngipin. Baka kasi ang dahilan kung bakit di na makabawi ang inahin ay madami ng ngipin ang nalagas at mas mabagal na itong makakain ng madami.
Habang nababawas ang ngipin, mas matagal na para mapuno ang rumen ng kambing.
PERFORMANCE BASED
Kung kailangan nyong magbawas talaga ng inahin dahil sa marami ang mga ito, huwag lang titignan ang kabuuang hitsura ng inyong kambing, bagkus tignan ang mga bisero. Ang inahing nagbigay ng mahihina at mababagal na lumaking mga bisero ang syang tanggalin.
Kung kaya pang bigyan ng pagkakataon ay ibigay ninyo dahil baka may pagkukulang lang sa pag-aalaga. Ibigay lahat ang kaylangan ng inahin. Kapag hindi pa rin nagbigay ng mga bisero na malusog at malaki ng naiwalay, sige i-cull na nga.