Sandamakmak ang mga komento patungkol sa pagiging tomboy daw ang kanilang inahin, Hayaan nyong i-share namin.
@bernardotovera9543
"mam pano po magbuntis ang kambing na tomboy?"
@alfredomercado
"Meron din bang tomboy na kambing mam, yong domalaga ko kasi dati na benenta sumasamba
@paulvillavicencio
"Totoo po ba yung tomboy na kambing? And paano malalaman kung tomboy, at manganganak po ba yun?"
Apat na taon na kaming kinukulit ng tanong patungkol sa tomboy na kambing at ngayon lang namin napusuan na i-share ang aminng opinyon.
SAAN NAGSISIMULA ANG HINALA NA TOMBOY NGA ANG INAHIN
Base sa aming naging obserbasyon, ang unang nasasaksihan ng karamihang nagsasabi na "Tomboy" daw ang kanilang inahin ay una; sumasampa daw ang kanilang doeling o dumalagang kambing at pangalawa; maliban sa sumasampa daw sa kapwa doeling, hindi raw nagbubuntis.
Tutukuyin naming mabuti ang dalawang obserbasyon na ito.
PAGSAMPA NG DOELING SA KAPWA DOELING
Ang pagsampa ng doeling sa kapwa doeling ay normal. Ang pagsampa ay hindi nangangahulugang type nito ang kapwa doeling at sexual ang intensyon lalo na kung wala pa sa edad ang kambing para magbuntis.
Heto ang mga dahilan ng pagsampa ng mga doe o doelings sa kapwa inahin:
PAGSUMASAMPA IBIG SABIHIN SIYA ANG LAMANG
Katulad din ng mga ibang hayop, kaylangan ipakita ng kambing kung nasan sya sa linya o ipakita na siya ay dominante. Ang mga kambing ay binubuo ng herd, may matatapang o may alpha, ang inahin na sinasampahan ang kapwa inahin ay nagpapakita na mas dominante sila. Para ding kasundaluhan, may mga "ranko" ang ating mga kambing. May "pribado", may "sarhento" at may "Kolonel".
Pansinin din na ang mga bucks ay nagsasampahan, tinitignan nila kung sino ang pinaka boss, ganoon din sa mga babaeng kambing.
LARO LARO DIN LANG
Ang pagsampa ay nangangahulugan ng "kasama" o sa salitang preso "kosa". Normal ang pagsampa, pansin din na maliban sa pagsampa ay bahagyang ikini-kiskis ng inahin ang kapwa kambing--mapa lalake o kapwa babae lalo na kung panahon ng mating. May panahon kasi na halos nagkakasabay ang estrus ng mga kambing.
PAGSAMPA PARA MALAMAN ANG "BALWARTE"
Bilang magkakasama sa kulungan, nagsasampahan ang mga inahin para malamang kung paano mag-rereact ang kapwa nila kambing. Tulad nga ng nasabi namin kanina may mga "rangko" kasi ang mga kambing sa herd.
HORMONAL NA PHENOMENON
Kapag malapit ng maging sexually matured ang ating mga kambing, may pagkakataon na sasampahan nila ang kapwa doeling. Sa herd, karamihan ay babae, ibig sabihin magsasampahan talaga ang kapwa babae. Sa isang banda napakahirap sumampa ng inahin sa Alpha Male o yung main buck.
Tuwing magpapahiwatig ang inahing kambing sa lalakeng kambing, mas madalas na ipupunas nito ang kanyang ulo sa katawan ng lalake.
WALA DAW INTERES SA BUCK AT HINDI NAGBUBUNTIS
Ipagpalagay na nating may doeling kayo na hindi nabubuntis at "tomboy" nga sa palagay nyo, sagutin muna ang mga tanong na ito:
1. Nasa edad 10 months at mahigit na ba ang inyong kambing?
2. Malusog ba ito?
3. Maganda ba ang deworming program? Ibig sabihin pasado sa "famacha" ang mga mata nito.
4. Kumpleto ba ang naibigay na vitamins and minerals?
Sa itinagal na naming nag aalaga ng kambing, hirap kami makahanap ng kambing na ni minsan ay hindi nagbuntis kaya yun ang dahilan kung bakit hindi namin ma-kumpirma ang pagiging tomboy ng mga kambing.
Hindi namin sinasabing mali ang mga nagsasabing may tomboy na kambing, ang sa amin lang, bago sabihin na ganyan nga ang kambing, ibigay muna ang kaylangan ng inahin. Magandang pakain, magandang deworming program, at magandang vitamins and minerals program.
Kung lahat ng yan ay naibigay ninyo, siguro may problema malamang sa "reproductive system" ng inyong kambing. Pero bago nyo i-cull, lalo na kung hindi pa kayo inabot ng 15 months ng pag-aalaga bigyan nyo muna ng chance baka matagal lang talaga bago magbuntis.
Ganyan ang inahin naming si dagul, matagal bago nagbunti, pero ngayon, heto na sya--proud nanay!